Nangangalahati na ang bilang ng mga election returns ang natanggap ng Paroish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) para sa kanilang parallel count ng nagdaang eleksyon noong Mayo 9.
Sa datos, mula sa 107,785 na kabuuang bilang ng mga election returns ay nasa 52,066 na ang natatanggap ng PPCRV na may katumbas na 48.31%.
Sa ngayon ay hindi pa nito natatanggap ang mga election returns na mula sa ibayong dagat ngunit natanggap naman na nito ang nasa 34,857 mula sa North at South Luzon, habang nasa 10,033 naman ang kanilang natanggap mula sa National Capital Region (NCR), 5,778 mula sa Visayas, at nasa 1,398 naman ang nagmula sa Mindanao.
Iniulat din ng PPCRV na batay sa kanilang mga pagsusuri ay 100% na nagtutugma ang mga election returns na kanilang naproseso at ang tally sa transparency media server para sa eleksyon sa taong ito.
Magugunita na una nang sinabi ni PPCRV spokesperson Van dela Cruz na hawak na nila ang nasa 203 na mga physical pre-transmission election returns kahit na itinigil na ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang transmission sa 98.38% matapos nitong ipahayag na wala na silang inaasahan pang transmission mula sa mga vote counting machines (VCM) maliban na lamang sa resulta ng special elections sa Lanao del Sur.