-- Advertisements --

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ginagamit na nila muli ang kanilang mga FA-50 fighter jets sa Marawi operations.

Ito’y matapos sinuspinde ang paglipad nito dahil sa kinasangkutang airstrike accident.

Ayon kay AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo, batay sa initial investigation ay wala naman silang nakitang mali sa nasabing eroplano o maging sa piloto kaya hudyat ito na puwede itong magamit muli sa mga gagawing operasyon ng militar laban sa mga teroristang Maute.

Base aniya sa isinagawang fact finding investigation, inirekomenda lang ng probe team na magpatupad ng adjustments sa kanilang mga technique o tactics at procedures upang hindi na maulit pa ang airstrike accident.

Tumanggi namang sabihin ni Arevalo kung ano ang mga gagawing adjustments at kung ano ang naging dahilan ng aksidente.

Binigyang-diin ni Arevalo na walang problema ang aircraft at maging ang piloto.