Pumalo na sa 98 ang nasawi at 9 ang nawawala sa nangyaring landslide sa Maco, Davao de Oro.
Sa isang press briefing, sinabi ni Lea Añora ng management of the dead and missing unit ng municipal government na 88 bangkay at 10 bahagi ng katawan ang narekober simula ng tanghali kahapon.
Sinabi ni Añora na 79 na bangkay ang natukoy, idinagdag na 65 na death certificates ang naisyuhan.
Dagdag pa niya, siyam ang nananatiling nawawala, kabilang ang mga manggagawa na ihahatid sana pauwi nang mangyari ang landslide.
Dalawang bus, ilang bahay at isang barangay hall ang natabunan sa landslide sa Barangay Masara noong Pebrero 6.
Sinabi ng Maco municipal disaster risk reduction and management council na 1,503 pamilya ang naapektuhan ng landslide.
Ayon naman sa Davao de Oro provincial veterinary office, nasagip nito ang 23 aso at 27 pusa na iniwan ng mga apektadong residente nang sila ay inilikas.
Ang mga nasagip na hayop ay inilagay sa isang impound area sa bayan ng Mawab.
P1 bilyong ang napinsala sa agrikultura.
Samantala, sinabi ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na umabot na sa mahigit P1 bilyon ang pinsala sa agrikultura dahil sa northeast monsoon at trough ng low-pressure area sa Caraga at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).