BAGUIO CITY – Arestado ang mag-live in partner sa isinagawang drug raid sa bahay ng mga ito sa Zone 6, Bangued, Abra kahapon.

Nakuha ng pulisya sa mga suspek na sina Roderick Tadeo at Ruby Mae Viado ang 27 sachet ng shabu na sinasabing nagkakahalaga ng P476,000.

Nakuha rin sa naturang mga suspek ang ibat-ibang drug paraphernalia, dalawang shotgun, caliber 38 at caliber 45 at mga bala.

Si Tadeo ay nauna nang naaresto noong nakaraang taon dahil din sa pagkakasangkot sa iligal na droga subalit nakapaghain ito ng kanyang piyansa kaya nakalaya.

Lumalabas din na parehong drug surrenderee ang mag-live in ngunit na-monitor ang patuloy na pagkakasangkot ng mga ito sa iligal na droga.

Nahaharap ngayon ang live-in partner sa mga kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act at ng Comprehensve Firearms and Ammunitions Regulations Act.