Inihayag ng Philippine Coast Guard na posibleng isang “ordinary hacker” lamang ng nasa likod ng nangyaring breach sa kanilang Facebook page.
Ito ang inihayag ng PCG kasunod ng hacking incident sa ikatlong pagkakataon ng kanilang online platforms.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, sa ngayon ay wala pa silang matibay na ebidensyang pinanghahawakan kung sino ang maaaring gumawa nito.
Ngunit kaugnay nito ay nilinaw din niya na wala pa ring mga ebidensyang nagdidirekta na ang hacking incident na ito ay may kaugnayan sa kasalukuyang tensyon ngayon sa West Philippine Sea.
Mas maganda rin aniya na hintayin na lamang ang magiging resulta ng imbestigasyon na ginagawa ng mag otoridad ukol dito upang alamin kung sino ang nasa likod ng naturang breach.
Sa ngayon hindi pa narerekober ng kanilang ahensya ang kanilang social media account, ngunit una nang naglagay ang PCG ng mga kaukulang parameters upang protektahan ang kanilang mga account upang hindi na maulit pa ang ganitong uri ng mga hacking incident.