-- Advertisements --

Umapela ang kampo ni vice president at presidential aspirant Leni Robredo nang pang-unawa sa kanyang mga supporters hinggil sa kung sino ang kukumpleto sa 12 senatorial slate ng bise presidente para sa 2022 national elections.

Ito ay matapos na 11 lamang ang ipinakilalang personalidad nina Robredo at kanyang running mate na si Sen. Francis Pangilinan para sa kanilang senatorial slate.

Nabatid na tuloy-tuloy pa rin naman ang mga diskusyon hinggil sa kung isasama ba ni Robredo sa kanyang senatorial lineup si Bayan Muna chairperson Neri Colmenares o si labor leader Sonny Matula.

Ayon naman sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty Barry Gutierrez, “marami” ang kinakausap sa ngayon at sa takdang panahon ay magkakaroon din aniya ng desisyon at pahayag na rin tungkol sa usapin na ito.

Sa kanyang tantiya, nasa apat o limang kandidato ang kinukonsidera para sa ika-12 puwesto.