-- Advertisements --

DAVAO CITY – Pumalo na sa 10,000 alagang baboy ang isinailalim sa culling o pagpatay sa gitna ng outbreak ng African swine fever (ASF) sa mga barangay sa Don Marcelino Davao Occidental at Davao City.

Ito ay bahagi pa rin ng hakbang ng Department of Agriculture (DA) para maiwasan ang pagkalat ng ASF sa iba pang lugar sa Davao Region.

Kaugnay nito, patuloy ang pakikipag-ugnayan ni Agriculture Secretary William Dar sa mga Mindanao local chief executives at hog industry leaders.

Mula siyudad ng Koronadal at General Santos, binisita ng kalihim ang Davao del Sur at Davao City para manguna sa mga isinasagawang hakbang ng mga local officials, veterinarians at hog raisers.

Una nang kinumpirma ng kalihim ang kaso ng ASF sa Davao na nakaapekto sa mga alagang baboy sa Barangay Dominga at Lamanan sa Calinan District nitong lungsod.

Pinayuhan na rin ni Secretary Dar ang lahat ng mga DA offices na lawakan pa ang technical assistance para patuloy ang surveillance sa tulong ng mga local government unit para masiguro na hindi kakalat ang ASF sa iba pang lugar sa lungsod.

Sa lungsod ng Davao, aprubado na ang P20 million financial assistance na ibibigay sa 2,714 na apektadong hog raisers.