Nagdagdag na ang Bureau of Immigration (BI) ng tauhan na kanilang ipapakalat sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang paghahanda sa pagbuhos ng mga foreign travellers habang papalapit ang Kapaskuhan at ang paparami na ring mag nababakunahang mga foreign tourist na gustong bumisita sa ating bansa.
Ayon kay Atty. Carlos Capulong, BI port operations chief, ang mga BI officers na sumailalim sa on-the-job training bago ang kanilang full deployment sa mga immigration counters ay ide-deploy sa tatlong terminal ng NAIA.
“We believe that as more and more Filipinos are vaccinated, this pandemic will soon be a thing of the past and there were will be an influx of international travelers into our country. Thus, this early we are already preparing and bracing for this eventuality,” ani Capulong.
Ang mga bagong BI recruits ay sumailalim sa tatlong buwang training sa immigration laws, rules at procedures.
Kasama ang mga ito sa libo-libong nag-apply para sa Immigration Officer 1 plantilla positions.
Sa report kay BI Commissioner Jaime Morente, sinabi ni Capulong na kada linggo ay magkakaroon ng balasahan sa mga bagong immigration inspectors.
Layon umano nitong maranasah ang mga challenges at mapahusay pa ang kanilang role at responsibility bilang border control officers ng bansa.
Dahil dito, pinaalalahanan naman ni Morente ang mga bagong employees na maliban sa pagharang ng mga ito sa mga undesirable aliens, tungkulin din nilang bantayan ang mga mahihirap nating mga kababayan na mabiktima ng human traffickers na nire-recruit para magtrabaho sa ibayong dagat.