Mariing kinondena ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang naging mga ulat ng umano’y kaso ng hazing sa loob ng Philippine National Police Academy (PNPA) kaninang madaling araw ng Abril 10 na siyang kinasasangkutan ng halos 20 underclassmen at tatlong kadete.
Ayon sa hepe, agad niyang ipinagutos ang malalimng internal cleansing sa loob ng akademiya para mas higpitan ang paglaban ng pulisya sa mga nagaganap na pang-aabuso sa loob ng PNPA.
Paglilinaw pa ni Nartatez, mahigpit na ipinapatupad ng PNP ang zero tolerance sa mga insidente ng hazing sa ilalim na rin ng umiiral na Anti-Hazing Act Law.
Sa ngayon, tatlong kadete nman ang kasalukuyang nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Pambansang Pulisya na siyang nagsagawa ng pangaabuso sa mga underclassmen na nagresulta sa mga paso at iba pang sugat sa katawan.
Maliban naman sa tatlong suspek, patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang pito pang mga indibidwal na hindi pa nakikilala sa ngayon kung saan binigyang diin din ni Nartatez na nakatakdang humarap sa mga kaso sa ilalim ng Anti-Hazing Act Law ang mga sangkot na kadete at posible ring mapatalsik sa PNPA.
Samantala, patuloy naman na isinasailalim sa gamutan ang mga biktima at nakatakda ring bigyan ng psychological support para sa kanilang agarang paggaling habang sinibak na rin sa kaniyang pwesto ang Tactical Officer of the Day nang nangyari ang insidente.
















