Minomonitor na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang napaulat na human trafficking ng overseas Filipino workers (OFWs) s Europa kung saan biktima ang mga manggagawang Pilipino ng mahabang oras ng pagtratrabaho subalit mababa ang kanilang sinasahod.
Partikular na tinukoy ni Migrant Workers Secretary Susan Ople ang Poland kung saan napaulat na may mga Pilipino ang na-deploy doon para magtrabaho sa hindi ligtas na working conditions at iniulat ang insidente kaugnay sa 39 na OFWs na mga biktima ng human trafficking.
Tiniyak naman ng kalihim na patuloy ang pagbibigay ng DMW ng pagkain at iba pang mga tulong para sa 39 na OFWs na biktima ng human trafficking na dinala sa Belgium ng isang manpower company na nakabase sa Poland,
Ang mga nasabing manggagawa ay binigyan ng temporary wrk permits ng gobyerno ng Belgium habang nakabinbin ang resolution ng kanilang kaso.
Ayon kay Sec. Ople, nasa 11 kaso na ng human trafficking-in-persons ang naihain na at nasa apat pang kaso ang nakatakdang ihain sa susunod na dalawang linggo.
Ibinunyag din ni Ople na nangako ang Department of Justice (DOJ) na kanilang tutulungan ang mga biktima ng human trafficking sa ibang bansa na determinadong ituloy ang criminal cases sa pamamagitan ng Witness Protection Program.