Nanganganib na bumagsak sa kahirapan ang milyun-milyong Pilipinong kabilang sa middle class dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa Middle East. Ito ang inihayag Marikina Rep. Romero Quimbo.
Sa ikatlong pagpupulong ng LEAD Committee na kanyang pinamumunuan, sinabi ni Quimbo na lahat ng sektor ay apektado ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kabilang ang pagkain.
Binigyang-diin niya na sa gitna ng krisis, hindi dapat kalimutan ng pamahalaan ang middle class na kadalasang hindi saklaw ng mga programang ayuda.
Ayon kay Quimbo, hindi kakulangan sa suplay ng langis ang problema kundi ang kakayahang bumili ng mamamayan.
“Habang may sapat tayong fuel supply, ang tunay na problema ay affordability. Tumataas ang presyo ng langis at pagkain, at nababawasan ang kakayahang bumili ng mga mamamayan,” ani Quimbo.
Dagdag pa niya, ang middle class ang sektor na madalas hindi nakakatanggap ng tulong mula sa gobyerno kahit apektado rin ng pagtaas ng presyo.
Samantala, sinabi ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na 45 porsiyento ng populasyon ng bansa ay kabilang sa middle class, habang 1.5 porsiyento lamang ang mayayaman, at ang natitira ay mahihirap.
Ipinakita rin ni Quimbo ang datos mula sa 2023 Family Income and Expenditure Survey ng Philippine Statistics Authority, na nagpapakitang hindi nalalayo ang porsiyento ng ginagastos sa diesel at gasolina ng mahihirap at mayayamang pamilya.
Ayon sa datos, 12.1 porsiyento ng kita ng pinakamahihirap na pamilya ang napupunta sa diesel at gasolina, kumpara sa 14.7 porsiyento para sa pinakamayayamang sambahayan.
Ginamit ito ni Quimbo upang pabulaanan ang pahayag na ang mayayamang Pilipino ang kumokonsumo ng malaking bahagi ng fuel sa bansa.
Dahil dito, hindi isinama ang diesel at gasolina sa rekomendasyon ng UPLIFT committee para sa suspensyon ng fuel excise tax, na sumaklaw lamang sa LPG at kerosene.
Ayon pa kay Quimbo, unti-unting pinapataas ng oil price hike ang gastusin ng mga pamilya at pinapahina ang kakayahan nilang tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Binigyang-diin din niya na ang mga manggagawa ang bumubuhay sa ekonomiya, kaya kung hihina ang kanilang kita at paggastos ay maaapektuhan ang kabuuang galaw ng ekonomiya.
Dagdag niya, plano ng komite, sa utos ni Speaker Bojie Dy, na tutukan ang mga hakbang na makatutulong sa mahahalagang sektor na direktang nakaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.










