-- Advertisements --

Nanawagan si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa mga Pilipino na humugot ng inspirasyon mula sa tapang at sakripisyo ng mga bayani kasabay ng paggunita ng bansa sa Araw ng Kagitingan ngayong Huwebes.

Ginawa ng House Speaker ang panawagan habang ipinagdiriwang ang ika-84 na Araw ng Kagitingan ngayong Abril 9, 2026 na may temang “Giting ng Bayani, Pamana sa Salinlahi,” na nagbibigay-diin sa patuloy na pamana ng katapangan, pagkamakabayan, at sakripisyo ng mga beteranong Pilipino at layuning magbigay-inspirasyon sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.

Ayon kay Dy, nagsisilbing paalala ang pagdiriwang sa ipinakitang kagitingan ng mga sundalong Pilipino na lumaban para sa kalayaan ng bansa, gayundin sa tungkulin ng kasalukuyang henerasyon na pangalagaan at patatagin ang bansa.

Binigyang-diin niya na ang kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino ngayon ay bunga ng sakripisyo at dapat pangalagaan sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at dedikasyon sa bayan.

Dagdag pa ng Speaker, ang kabayanihan ay hindi lamang nasusukat sa panahon ng digmaan kundi makikita rin sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.

Umaasa si Dy na magsisilbing inspirasyon ang halimbawa ng mga bayani upang patuloy na mapalakas ang pagkakaisa, pagkamakabayan, at paglilingkod-bayan sa iba’t ibang henerasyon.