Mariing pinabulaanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga balitang siya ay may sakit at iginiit na nasa mabuti siyang pangangatawan.
Tinawag ng Pangulo na “kalokohan” at “kasinungalingan” ang mga ulat na siya ay baldado at hinamon pa ang mga nagpapakalat nito na makipagsabayan sa kanya sa pag-eehersisyo sa gym upang makita kung sino ang mas malakas.
Ipinaliwanag ng Pangulo na mahigit tatlong buwan na siyang hindi nagpupunta sa ospital at ang huling pagbisita niya rito ay para lamang sa isang CAT scan upang kumpirmahing magaling na ang kanyang diverticulitis.
Ayon sa kaniya, maayos ang resulta ng kanyang mga blood test at nakabalik na rin sa normal ang kanyang diet at regular na ehersisyo na ginagawa niya tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo.
Inamin ni Pangulong Marcos na umiinom lamang siya ng dalawang uri ng maintenance medicine para sa gout at hypertension, na aniya ay karaniwan sa kanilang pamilya.
Nilinaw din niya na hindi siya mahilig sa mga dietary supplement at naniniwalang sapat na ang tamang pagkain, sapat na tulog, at regular na ehersisyo upang manatiling malusog.
Sa huli ay binalaan ng Pangulo ang publiko na huwag maniwala sa mga maling impormasyon tungkol sa kanyang kalagayan.
Ayon sa Pangulo, ang pagharap niya sa publiko ngayong araw ay sapat nang patunay upang malaman ng taumbayan kung sino ang nagsasabi ng katotohanan at kung sino ang mga “sinungaling” na nais lamang manira sa kanyang administrasyon.
















