Tututok sa umano’y unexplained wealth at mga isyu sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte ang susunod na impeachment hearing ng Kamara, kung saan ipinag-utos ang pagpapatawag kay dating Senador Antonio Trillanes IV at ilang ahensya ng gobyerno.
Ayon kay House Committee on Justice Chairperson Gerville Luistro, naglabas ang komite ng subpoena para kay Trillanes upang obligahin itong dumalo sa itinakdang pagdinig sa darating na Abril 22.
Si Trillanes ay itinuturing na bahagi ng Saballa et al impeachment complaint, partikular sa usapin ng hindi maipaliwanag na yaman ng Pangalawang Pangulo.
Bukod sa dating senador, kinumpirma rin ni Luistro na imbitado ang mga opisyal mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Inaasahan din ang pagsusumite ng mga dokumentong may kaugnayan sa mga bank transactions ng mag-asawang Sara at Manases Carpio.
Kabilang din sa mga inaasahang dadalo sa pagdinig ay ang mga kinatawan mula sa Securities and Exchange Commission (SEC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Office of the Ombudsman.
Ang nakatakdang pagtitipon ng komite ay magsisilbing clarificatory hearing upang linawin ang mga paratang laban sa bise presidente, kabilang na ang umano’y hindi kumpletong pagdedeklara ng kanyang mga ari-arian at yaman.
Samantala, nilinaw ni Luistro na ipinauubaya na niya sa mga miyembro ng komite ang pinal na desisyon kung muling ipapatawag si Ramil Madriaga, ang tinaguriang self-proclaimed bagman, sa mga susunod na imbestigasyon.















