Ibinunyag ng Department of Agriculture (DA) ang napaulat na paggamit ng mga pekeng ID ng ilang indibidwal upang makabili ng bente pesos kada kilo ng bigas, kasabay ng mahigpit na panawagan sa mga lehitimong benepisyaryo na magparehistro online.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Genevieve Guevarra ng KADIWA ng Pangulo Program, mayroon silang naitalang mga kaso ng pamemeke ng pagkakakilanlan upang samantalahin ang murang bentahan sa ilalim ng programang “Benteng Bigas, Meron Na!”.
Bunsod ng nasabing insidente, kinakailangan umanong dumaan sa online registration ang mga benepisyaryo.
Paliwanag ng ahensya, hakbang ito upang maging maayos ang distribusyon, maiwasan ang mahabang pila at pagsisikip sa mga outlets, at higit sa lahat, ay mapigilan ang patuloy na pang-aabuso sa programa.
Binigyang-diin naman ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na layunin ng mahigpit na prosesong ito na matiyak na ang mga pinaka-vulnerable sectors lamang ang direktang makikinabang sa inisyatibo ng pamahalaan.
Humingi ng kooperasyon ang DA mula sa publiko upang tulungang maprotektahan ang integridad ng programa at ang kapakanan ng mga tunay na mahihirap na pamilya.
Samantala, sa kabila ng mataas na demand at mga kinakaharap na hamon sa distribusyon, nagbigay ng katiyakan ang DA na nananatiling sapat ang suplay ng murang bigas na nakaimbak ngayon sa mga bodega ng National Food Authority (NFA).
















