Nais nina Senador Pia Cayetano, JV Ejercito at Kiko Pangilinan na maimbestigahan ang kontrobersiya sa isang pet crematorium at mapanagot ang mga responsable sa umano’y panloloko sa mga pet owner.
Ayon kay Cayetano, maghahain siya ng resolusyon upang mapalakas ang mga umiiral na batas, habang nais naman ni Ejercito na matukoy ang mga kakulangan sa regulasyon na dapat tugunan upang hindi na maulit ang insidente.
Nanawagan din si Pangilinan na panagutin ang mga umano’y nanloko sa mga pet owner, at iginiit na maaaring managot ang mga ito sa ilalim ng mga batas laban sa estafa at paglabag sa mga obligasyong kontraktuwal.
Matatandaang natagpuan sa San Jose del Monte, Bulacan ang mga labi ng 29 na aso at pusa na ipinagkatiwala umano sa isang pet crematorium para sa cremation.















