NAGA CITY – Patay ang umano’y suspect sa panggagahasa sa isang menor de edad na may problema sa pag-iisip sa nangyaring engkwentro sa Lucena City.

Kinilala ang suspect na si Micheal Zafranco, 24, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Col. Romulo Albacea, hepe ng Lucena City PNP, sinabi nitong una nang humingi ng tulong sa mga otoridad ang ina ng 11-anyos na bata matapos umano itong halayin ng naturang suspek.

Ayon kay Albacea, base sa imbestigasyon naglalaro lamang sa tabing-ilog ang biktima nang isagawa ng suspect ang nasabing krimen.

Dahil dito agad na nagsagawa ng operasyon ang mga otoridad sa nasabing kaso para sa agarang pagkakahuli sa suspect.

Ngunit ayon kay Albacea, nang matagpuan nila ang kinaroroonan ng suspect, agad itong bumunot ng calibre 38 na baril at nakipagpalitan ng putok sa mga kinauukulan.

Kaugnay nito, nagtamo ng tatlong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang salarin na agad namang nadala sa ospital ngunit binawian din ng buhay.

Samantala, kinumpirma naman ni Albacea na kilalang drug pusher si Zafranco sa lugar ngunit mailap ito sa mga otoridad.