Hindi sang-ayon ang Makabayan bloc sa nakaambang pag-apruba ng Kamara ngayong araw sa 2020 proposed P4.1-trillion national budget.
Iginiit ng grupo na hindi basta simpleng panukala ang pambansang pondo para ratsadahin ang pag-apruba nito kahit pa “certified urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Deputy Minority leader at Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na dapat maging “transparent” ang buong budget process lalo pa at napakalaki ang pondong gugulungin sa susunod na taon.
Hindi rin aniya nila ito maaaring pagbotohan sa ikalawa at ikatlong pagbasa ngayong araw dahil wala pang ibinibigay sa kanila na kopya ng ikalawang General Appropriations Bill na naglalaman ng mga amyenda sa pondo pagkatapos ng mga deliberasyon na isinagawa rito.
Ayon kay ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, marami silang “discrepancies” na natuklasan sa panukalang pambansang pondo na nais nila maisaayos sa “period of amendments.”
May dalawa pa aniyang linggo ang Kamara para rito base sa orihinal na schedule ng Kamara na hanggang Oktubre 4 bago ang break ng Kongreso.
Samantala, humirit ang Kamara na dagdagan ang pondo na kanilang gugulungin para sa susunod na taon.
Sinabi ni House Committee on Accounts Chairman Bambol Tolentino na kulang ang P14 billion allocation para sa mababang kapulungan sa 2020.
Sa plenary deliberations sa budget proposal ng Kongreso, nanawagan si Tolentino na dagdagan ng P1.6 bollion ang pondo ng Kamara sa susunod na taon.
Nadagdagan kasi aniya ang bilang ng mga deputy speakers, vice chairmen ng mga komite at maging ang mga komite mismo ng Kamara.
Sa kanyang talumpati, iginiit ni Tolentino na Pebrero pa nang nagawa ang bugdet proposal noong panahon na hindi pa nagbobotohan sa liderato ng Kamara at kung kailan hindi pa fully organized ang kapulungan.