CEBU CITY – Tinatayang aabot sa P400,000 ang halaga ng danyos sa sumiklab na sunog sa Sitio Sario, Barangay Bulacao, Lungsod ng Cebu, pasado alas-9:00 kagabi.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Cebu City Fire Department, halos 80 bahay mula sa tatlong sitio ang apektado nang itinaas ng mga bumbero sa ikatlong alarma ang sunog.

Ayon sa fire investigator na si FO2 Emerson Arceo, nagmula ang malaking apoy sa pamamahay ng nagngangalang Lolisa Cabaluna.

Kasalukuyang biniberipika ng mga bombero kung sumiklab ba ang sunog dahil sa naiwang kandila o ‘di kaya ay power surge pagkatapos ng naranasang brownout.

Nagpalipas naman ng gabi ang mga apektadong residente sa Bulacao Community School at nakatakdang bigyan ng paunang tulong mula sa Cebu City Government.

-- Advertisement --