Umaabot na sa 300 quarantine facilities ang naitatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) simula nang tumama ang COVID-19 pandemic hanggang nitong katapusan ng Setyembre sa buong bansa.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DPWH Usec. Emil Sadain na ang pinakabago dito ay ang Solaire-PAGCOR mega quarantine facility sa Bagong Nayong Pilipino sa Parañaque City.
Ito na ang pinakamalaking quarantine facility ngayon sa Metro Manila na mayroong 600-bed capacitiy na tatanggap ng mga mild at asymptomatic COVID-19 patients.
Samantala, nasa higit 300 pang quarantine facilities ang tinatapos sa ngayon ng DPWH.
Inihayag ni Usec. Sadain na hangga’t walang gamot o bakuna laban sa COVID-19 ay magpapatuloy pa rin ang ahensya sa pagtatayo ng quarantine facilities dahil sadyang napakahalaga na i-isolate ang mga mild at asymptomatic COVID-19 patients para hindi na sila makapanghawa pa ng iba.















