-- Advertisements --
NCRPO2

Patuloy pang nakakapagtala ng mas mababang bilang ng index crime sa Metro Manila ang National Capital Region Police Office (NCRPO).
Kasunod ito ng implementasyon ng panibagong public security ng pulisya na tinatawag na SAFE NCRPO na tumatayo sa “seen, appreciated and felt by the people through extraordinary actions”.

Ayon kay NCRPO spokesman PLtCol. Dexter Versola, ang panibagong istratehiya na ito ng Metro Manila Police ang dahilan ng mas pagbaba pa ng bilang ng mga kasong naitatala sa buong rehiyon.

Sa datos na inilabas ng pulisya, ngayong taon ay bumaba sa 596 ang naitalang krimen noong buwan ng Oktubre, mula sa 663 na una nang naitala noong Setyembre, at mas bumaba pa ito pagsapit ng Nobyembre kung kailan nakapagtala naman ng nasa 468 index crime ang NCRPO.

Batay naman sa statistics, ang bilang ng mga krimen na naitala nitong buwan ng Nobyembre ay ‘di hamak na mas mababa kumpara sa datos na napaulat noong taong November 2021 na mayroong 599, at November 2020 na mayroong 829 index crimes.

Samantala, tiniyak naman ni Versola, na mas paiigtingin pa ng NCRPO ang kanilang pagbabantay sa buong Metro Manila para sa kasiguraduhan naman ng kaligtasan at seguridad ng taumbayan lalo na ngayong panahon na ng Kapaskuhan.

Kung maaalala, ipinatupad ng NCRPO ang panibagong public security program na ito ng kapulisan kasabay ng pag-upo ni BGen. Jonnel Estomo bilang bagong acting director ng National Capital Region Police Office.