Nagpahayag ng pagkabahala si Department of Health Secretary Ted Herbosa sa pagtaas ng bilang ng mga kaso ng sakit na Tuberculosis sa bansa.
Ito ay matapos na makapagtala ang DOH ng nasa kabuuang 612,534 na mga kaso ng naturang sakit sa Pilipinas noong taong 2023.
Batay sa datos ng ahensya, noong nakaraang taong 2023 ay nakakapagtala ang bansa ng 549 na mga kaso ng tuberculosis kada 100,000 populasyon na maituturing na mas mataas kumpara sa case notification rate na naitala nito noong 2022 na umaabot lamang sa 439 na mga kaso ng nasabing sakit kada 100,000 populasyon.
Ayon kay Sec. Herbosa, mula sa naturang kabuuang bilang ng mga kaso ng TB na naitala sa bansa noong nakaraang taon, aabot sa 10,426 na mga indibidwal ang napaulat na nasawi, ngunit nilinaw niya na hindi lahat ng mga ito ay namatay nang may direktang kaugnayan sa naturang sakit.
Dahil dito ay tinatarget ngayon ng kagawaran na wakasan na ang mga kaso ng tuberculosis sa bansa sa pagsapit ng taong 2030, kasabay ng pagtiyak na makakatanggap ng kaukulang atensyong medikal ang bawat pasyenteng may iniindang ganitong uri ng karamdahan.