Balik na sa normal na operasyon ang Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 nitong umaga ng Miyerkules matapos ang matagumpay na electrical maintenance activity.
May ilang mga pasahero naman ang naapektuhan sa kasagsagan ng scheduled electrical maintenance dahil sa 3 oras na power interruption simula 12:01 ng madaling araw na nagtagal hanggang alas-3 ng umaga.
Bagamat nakaranas ang ilang lugar ng power interruption, lahat naman ng critical system ay fully operational.
Una ng nag-abiso ang Manila International Airport Authority (MIAA) kaugnay sa maintenance activity sa bahagi ng NAIA bilang parte ng kanilang nagpapatuloy na commitment para mapabuti at ma-upgrade ang electrical system ng terminal.
Nagpaabot naman ng paumanhin si MIAA OIC Bryan Co para sa abalang idinulot ng nasabing maintenance activities.
Samantala, magpapatuloy pa ang segmented power-related maintenance work hanggang Disyembre 13, 2023.