Nagdagdag ngayon ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ng thermal scanners dahil na rin sa pinaniniwalang Novel Coronavirus na taglay ng isang Chinese national na nakapasok sa bansa.

Ayon sa Bureau of Quarantine, sa ngayon naka-heightened alert na sila sa mga paliparan at pantalan matapos kumpirmahin ng Department of Health (DoH) na inoobserbahan nila ang limang taong gulang na batang may sintomas ng Coronavirus.

Mahigpit ngayong binabantayan ang temperatura ng mga dumarating na pasahero na isang sintomas ng naturang sakit.

Kahapon nang kumpirmahin ng DoH na may isang person under investigation na silang inoobserbahan na mayroong 2019 novel corona virus.

Ang bata ay bumiyahe mula sa Wuhan, China at na-admit sa Cebu City matapos makitaan ng lagnat, throat irritation at ubo bago pumasok sa bansa.

Nagtungo raw sa Cebu ang bata para mag-aral ng English.

Dumating ito noong Enero 12 dakong alas-3:00 ng hapon at agad na-confine sa ospital pagsapit ng alas-6:00 ng gabi.

Agad namang sinuri ng Research Institute for Tropical Medicice (RITM) ang sample mula sa pasyente pero negatibonito sa MersCov o Sars.