Nasa kustodiya na ng mga tauhan ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang nagpakilalang stuntmant ng isang TV network na nahulihan ng hindi lisensyadong baril.
Kinilala ng hepe ng CIDG-Detective and Special Operations Unit na si Lt Col. Domingo Soriano, ang suspek na si Martin Cabanas, 38-anyos.
Naaresto si Cabanas kahapon sa tinutuluyan nitong bahay sa San Andres, Cainta, Rizal, sa pamamagitan ng warrant of arrest dahil sa kaso nitong illegal recruitment.
Marami na umano kasi itong nabiktima na dumulog sa CIDG.
Pero nang mahuli ito, nakuha sa kanya ang iba’t-ibang mga baril at bala, kasama na ang hindi lisensyadong .22 calibre rifle.
Narekober din mula sa suspek ang isang identification card at badge ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sinasabi kasi ng suspek na siya ay volunteer ng NBI, bagay na bineberipka pa rin ng PNP-CIDG.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Law ang dagdag na kakaharapin ng suspek bukod sa large scale illegal recruitment.