-- Advertisements --

Kinumpirma ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) President at CEO Ricardo Morales na nakapaghain na siya ng “leave of absence” sa mga nakatataas na opisyal mula sa Department of Health (DoH) at Malacanang.

Magugunitang una nang naglabas ng pahayag ang doktor ni Morales na kailangan nitong sumailalim sa chemotherapy, kaya baka hindi na makadalo sa mga imbestigasyon.

Pero ayon sa PhilHealth president, mananatili ang kaniyang paninindigan na handa ito sa anumang uri ng pagsisiyasat.

Maaari pa rin daw siyang sumagot ng mga tanong kahit online na lamang.

Samantala, sinabi naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi nila kakanselahin ang nakatakdang pagpapatuloy bukas ng senate inquiry, kahit magbitiw pa ang mga opisyal ng PhilHealth.

Importante aniya na magkaroon ng linaw ang usapin ng korapsyon, dahil bilyon-bilyong kontribusyon ng mga miyembro ng PhilHealth ang pinag-uusapan dito.

Sa panig ni Sen. Panfilo Lacson, dapat raw nilang tapusin ang nasimulang inquiry, kahit may binuo nang panel ang Malacanang para sa hiwalay na imbestigasyon.

Para kay Lacson, iba ang fact finding at iba rin ang sa Senado, dahil babalangkas nila ng batas upang maiwasan na ang mga ganitong katiwalian.

“Iba sa Senate. Sa amin in aid of legislation at saka may information na pumasok kaya kami nagkaroon ng inquiry. Di namin pwede balewalain na taga-loob mismo ng PhilHealth ang nagibibigay ng information at may documents may basehan naman babalewalain namin. Responsibility namin yan sa inyo, sa taxpayers, na gampanan ang aming tungkulin. Kung babalewalain namin yan sino magtitiwala sa amin?” wika ni Lacson.