-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Umakyat na sa 65 ang kabuuang bilang ng mga nahawaan ng coronavirus o COVID-19 sa lalawigan ng Cotabato.

Ito’y matapos makapagtala ng tatlong panibagong COVID-19 positives ang probinsya base sa inilabas na situation report ng Department of Health (DOH-12).

Ayon sa Cotabato – Inter-Agency Task Force on COVID-19, dalawa sa mga ito ay residente ng Tulunan Cotabato na isang 33-anyos na babae at 26-anyos na babae na parehong mga Locally Stranded Individuals (LSIs).

Ang isa pang pasyente ay residente naman ng Midsayap Cotabato na 22-anyos na lalake.

Base sa imbestigasyon ng Cotabato-IATF, ang naturang pasyente ay walang co-morbidity ngunit may history of travel sa Davao City at may exposure sa isang COVID-19 patient sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City kung saan ito nananatili at nagpapagaling ngayon.

Dagdag pa ng ahensiya, isinailalim na sa strict home quarantine and monitoring ng Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) ang pamilya nitong nakasalamuha sa bayan ng Midsayap.

Samantala, tiniyak naman ng Cotabato-IATF na asymptomatic at nasa stable na kondisyon ang mga panibagong COVID-19 patients sa lalawigan.

Sa ngayon ay nasa 17 na ang active cases o mga pasyenteng patuloy na nagpapagaling sa North Cotabato.