-- Advertisements --

Ibinunyag ni Sen. Christopher “Bong” Go na nag-iwan ng malalim na sugat para kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ginawa sa kaniya ng ABS-CBN noong nakaraang presidential elections.

Ayon kay Go, nasabi na niya sa pangulo ang nais niyang iparating na huwag ipahinto ang operasyon ng TV network kahit paso na ang prangkisa, para sa kapakanan ng mga manggagawa ng kompaniya.

Subalit iginiit sa kaniya ng pangulo ang pagrespeto sa equal branches of government ng tatlong sangay ng pamahalaan, ang hudikatura, ehekutibo at lehistura.

Ani Go, ayaw nang pakialaman ng Pangulo ang trabaho ng Kongreso sa pagbibigay at pagbasura sa prangkisa hangga’t wala ito sa kaniyang mesa.

Aminado ang senador na nag-iwan ng malalim na sugat sa Pangulo ang hindi pag-ere sa kaniyang political advertisement ng ABS-CBN at sa halip ini-ere ang black propaganda laban sa kaniya.

Sa kabila nito, ayaw pa rin diktahan at pakialaman ng chief executive ang mandato ng Kamara ukol dito kung kaya’t hindi aniya magbibigay ng opinyon at aksyon hangga’t hindi ito nakakarating sa kanyang tanggapan bilang paggalang sa co-equal branch of government.

Sinabi ni Go na tinanggap naman ng Pangulong Duterte ang paghingi ng tawad ng mga opisyal ng ABS-CBN sa kanilang pagkakamali.