-- Advertisements --

NAGA CITY – Nag-iwan lamang ng isang patay ang pananalasa ng Super Typhoon Rolly sa Camarines Sur.

Napag-alaman na isa itong 32-anyos na mangingisda at residente ng Camaligan sa naturang lalawigan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Vice Mayor Janno Ibardaloza, sinabi nito na habang bumabagyo, binantayan nito kasama ang tatlong iba pa, ang MB Camaligan na isang floating restaurant sa Barangay Dugcal sakay ng motorboat.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na habang lumalakas na ang hangin, nagdesisyon ang biktima at ang isa pa sa mga kasama nito na lumipat ngunit bigla itong bumaliktad.

Naipit ang biktima at dito na binawian ng buhay.

Samantala, labis din ang pinsala ng bagyo sa naturang bayan kung saan umabot sa 279 ang totally damaged na mga bahay habang nasa 3,055 naman ang partially damaged.

Samantala, tiniyak ng bise alkalde na mayroong matatanggap na tulong ang pamilya ng biktima maging ang mga residente sa lugar na labis na naapektuhan ng bagyo.

Sa kabila nito, ito lamang ang naitalang casualty sa lalawigan.