LEGAZPI CITY – Hangad umano ni Camarines Sur 3rd District Rep. Gabby Bordado Jr., na makapag-move on na si dating Senador “Bongbong” Marcos matapos na ibasura ng Supreme Court (SC) ang electoral protest na inihain nito laban kay Vice President Leni Robredo.
Ngayong linggo lang nang ihayag ng SC na siyang nagsilbi bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), na walang merit ang petisyon ni Marcos at walang nakitang dayaan sa pagkatalo nito kay Robredo sa 2016 national elections.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Bordado, isa sa mga masugid na tagasuporta ni Robredo, ipinagpapasalamat nito na matapos ang limang taon ay nakapagpalabas na rin ng kasagutan ang SC sa petisyon upang matuldokan na ang isyu.
Mas makabubuti aniya sa kampo ni Marcos na tutukan na lang ang susunod na eleksyon sa 2022 sakaling may plano pang tumakbo o gumawa na lang ng ibang bagay.
Una na ring nagpahayag si Robredo sa harap ng kanyang mga tagasuporta na mag-move on na at itigil na rin ang anumang sama ng loob sa nakaraang eleksyon.