Ano mang araw ngayong linggo ay muli raw ihahain ng Department of Justice (DoJ) ang kasong kanilang isinampa laban sa may-ari ng WellMed Dialysis Center at iba pang mga indibidwal na nasa likod ng nabunyag na ghost claims ng Philhealth.
Kasunod ito ng pagbasura kahapon ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 219 sa kasong estafa thru falsification of public and or of official documents laban kay Brian Sy, may-ari ng WellMed.
Ito ang kinumpirma ni DoJ Senior Assistant State Prosecutor Anna Noreen Devanadera.
Una rito sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra, muli nilang isasampa ang reklamo laban sa mga akusado sa QC Metropolitan Trial Court (MTC).
Dagdag ng kalihim, ito rin umano ang naging dahilan kung bakit iniatras na rin ng piskalya ng DoJ ang impormasyon sa kaso na kanilang inihain sa QC-RTC.
Maliban sa may-ari ng WellMed kasama rin sa kaso sina Liezel de Leon at Edwin Roberto na naging whistle blower sa ghost claims ng Philhealth at iba pang mga opisyal ng WellMed.
Kahapon nang ibinasura ng korte sa Quezon City ang mga kaso laban sa may-ari at co-owner ng WellMed Dialysis Center dahil sa teknikalidad.
Binigyang diin naman ni QC-RTC Branch 219 Judge Janet Abergos-Samar na ang pagka-dismiss ng nasabing kaso ay hindi dahil sa merito kundi sa usapin lamang ng hurisdiksiyon at hindi ang usapin ng pananagutan ng mga akusado.