-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakatakdang talakayin ng kongresista ng Baguio City at ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) ang pagpapatayo ng isang national laboratory na agad susuri at tutukoy sa mga virus para sa agarang aksyon ng pamahalaan.

Ayon kay Baguio Representative Marquez Go, isusulong niya ang panukala bilang tugon sa 2019 novel coronavirus (2019–nCoV) scare na nagsimula sa China.

Sa kasalukuyan, nagsisimula na ang pakikipag-usap niya sa DOH kung paano at ano ang mga kinakailangan para sa pagbuo ng specific division o bureau para rito maliban pa sa mga kinakailangang teknolohiya, laboratory materials, mga equipment kasama na ang laboratory building.

Bilang miyembro ng Committee on Health sa Kongreso, tatalakayin aniya kay Health Secretary Francisco Duque III kung bakit kailangan pang ipadala sa ibang bansa, partikular sa Melbourne, Australia, ang mga blood samples ng mga suspected 2019–nCoV patients.

Giit niya, kailangang magkaroon ang Pilipinas ng teknolohiya na kukumpirma kung may virus o wala sa mga blood samples at kailangang ma-equip ang DOH ng lahat ng kinakailangang pasilidad kahit pa hindi regular na pangyayari ang mga virus outbreak.

Ayon pa kay Rep. Go, hihilingin niya kay Health Undersecretary Roger Tongan kung posible ang kanyang ipapanukala at kung kailangan nito ng certain budget para makapaglaan sila ng pondo.

Nakakabahala aniya ang takot ng mga tao dahil hindi lamang ang pasyente o pamilya nito ang apektado kundi maging ang komunidad kaya kinakailangan ng real time approach sa pagtukoy sa test results para sa agarang aksiyon.

Hinimok pa ng kongresista ang pagiging proactive ng DOH ukol sa nasabing isyu para mapigilan ang posibleng pagkalat ng virus dito sa bansa.