-- Advertisements --
angat dam 732c711b f4e4 4e87 a6db 7a6ddee8734 resize 750

Muling siniguro ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na hindi maaapektuhan ang supply ng tubig sa kamaynilaan at iba pang probinsya, kasabay ng 61 days na pagsasara pansamantala ng Angat Dam.

Ayon kay MWSS spokesman Patrick Dizon, sa kabila kasi ng 61-day Total Plant Shutdown (TPS) ng Angat Hydroelectric Power Plant, mananatili pa rin ang pagpapalabas ng tubig para sa domestic use at iba pang mga serbisyo.

Mananatili rin aniya ang normal na pressure sa mga outlet, maliban lamang kung may mga service interruption.

Maalalang nitong nakalipas na Oktobre ay inanunsyo ng Angat Hydropower Corp. (AHC), ang nagsisilbing operator ng Angat Dam, ang pansamantalang pagsasara rito.

Ito ay upang bigyang-daan ang malawakang assesment para matukoy ang pangangailangang maayos at ma-rehabilitate ang ilang bahagi nito.

Bahagi rin ito ng modernization program ng naturang dam.

Sa kasalukuyan, ang lebel ng tubig sa Angat dam ay nananatili pa rin sa 209.48 meters. Malapit pa rin ito sa 210 meters na normal high-water level (NHWL).

Nagsisilbi ang Angat Dam bilang pangunahing pinagkukuhanan ng tubig para sa buong Metro Manila, kasama ang mga probinsya ng Cavite at Rizal sa Region 4A at Bulacan sa Region3.