Sinabi ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na sapat pa rin ang suplay ng tubig para sa pangangailangan ng mga consumer sa kabila ng pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam dahil sa El Niño.
Ayon kay Engr. Patrick James Dizon,MWSS spokesperson at water and sewerage management department manager, sa ngayon, naibibigay pa naman ng Angat Dam ang pangangailangan ng consumers para hindi magkaroon ng tinatawag na pila-balde sa kalye na naranasan noong 2019.
90% umano ng pinagkukuhanan ng tubig sa Metro Manila, Rizal, portions ng Cavite at saka Bulacan ay nanggagaling pa sa Angat Dam.
Kasabay nito, araw-araw umano na binabantayan ng MWSS ang lebel ng tubig sa Angat Dam.
Lumabas sa datos ng state weather bureau na hanggang alas-8 ng umaga ngayong Linggo, Abril 28, nasa 188.81 metro ang lebel ng tubig sa reservoir ng Angat Dam. Mas mababa ito sa 189.17 metro na naitala noong alas-6 ng umaga noong Sabado, Abril 27.
Sinabi ni Dizon na ang minimum operating level ng Angat Dam ay nasa 180 meters habang ang critical level ay 160 meters.
Dagdag pa ng opisyal ng MWSS, inaasahan ang pagbaba ng suplay ng tubig sa Angat Dam dahil mas kakaunting ulan ang naitala.
Samantala, ang MWSS sa tulong ng mga concessionaires nito na Maynilad at Manila Water, ay nagpatupad ng augmentation measures para maibsan ang epekto ng El Niño.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng karagdagang planta ng tubig sa Rizal at pag-rehabilitate ng higit sa 100 deep wells, na magagamit kung kinakailangan, ani Dizon.