Nakikipag-ugnayan na ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa mga eksperto mula sa counterpart nito sa Singapore para matugunan ang isyu sa kalidad ng tubig sa Laguna Lake na maaaring magresulta sa pagkawala ng suplay ng tubig sa Metro Manila.
Ayon kay MWSS Deputy Administrator Jose Dorado Jr. nakakaranas ng mga isyu sa suplay ng tubig ang southern part ng National Capital Region na sinusuplayan ng Laguna Lake dahil sa problema sa kalidad ng tubig.
Sa parte naman ni MWSS Division Manager Patrick Dizon, ibinunyag nito na ang dumaraming lumot sa lawa ang siyang nagbabara sa water treatment facilities na nagsusuplay sa Muntinlupa,Las Piñas, Parañaque, at Taguig.
Kayat ang ginagawa ngayon ng ahensiya ay nakikipag-ugnayan na sila sa Public Utilities Board na third-party experts ng Singapore na nakatakdang magtungo sa Maynila sa susunod na linggo para i-assess ang planta ng Maynilad sa Putatan.
Magugunita na una ng nagbabala ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) kaugnay sa pagdami ng lumot sa Laguna lake sa kasagsagan ng El Nino phenomenon.