Ikinalungkot ni Presidential Adviser on Muslim Affairs Almarim Centi Tillah ang kawalan ng Muslim representation sa senatorial lineup ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon kay Tillah, ang kawalan ng kinatawan ng Muslim community ay isang malaking kakulangan sa naturang lineup.
Ito aniya ay maaaring magpalaki lamang sa lumalalang pangamba ng mga Filipino Muslim na hindi sila nairerepresenta sa mga political establishment.
Giit ni Tillah, patuloy na nakikipaglaban ang mga Muslim para mahanap ang kanilang tamang lugar sa pamamahala ngunit nabigo ang Marcos administration aniya na kilalanin ang boses ng mga Muslim sa Senado.
Paano aniya mahihikayat ang mga Muslim na makibahagi sa national political process kung hindi naman napapansin ang kanilang interest?
Giit pa ng presidential Muslim adviser, kung walang Muslim senator na nakakaintindi sa pangangailangan ng mga Filipino Muslim ay mahihirapang makagawa ng mga batas na magiging bentahe para sa mga naniniwala sa relihiyong Islam.
Ikinalungkot din ng opisyal na ilang beses nang hindi napapansin ang panawagang magkaroon ng mas malawak na representasyon ang mga Muslim Filipino sa national government.