CENTRAL MINDANAO- Personal na alitan ang natatanaw ng mga otoridad sa pananambang sa isang opisyal ng bayan sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Mastura Bedtigilan Kamidsa,47-anyos, may asawa at Municipal Councilor ng Mamasapano Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao Police Provincial Director Colonel Arnold Santiago na habang lulan ang biktima sa kanyang sasakyan mula sa kanyang tahanan sa Brgy Tuka sa bayan ng Mamasapano patungo sana sa Municipal hall ng itoy paputukan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan gamit ang M16 Armalite rifles.

Kahit sugatan si Kamidsa ay nagawa pa nitong patakbuhin ang kanyang Toyota Avanza patungo sa ligtas na lugar at nagpasaklolo sa outpost ng mga sundalo.

Nagtamo ng dalawang tama ng bala sa katawan ang biktima at agad dinala sa Maguindanao Provincial Hospital.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Mamasapano PNP sa pananambang kay Municipal Councilor Kamidsa.