LEGAZPI CITY – Blangko pa sa ngayon ang mga otoridad sa motibo ng mga suspek sa pamamarili sa isang municipal councilor sa Brgy. Datag, Caramoran, Catanduanes.
Kinilala ang biktima na si Municipal Councilor Zaldy Idanan, 57-anyos na residente ng naturang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Police Capt. Ariel Buraga, hepe ng Caramoran Municipal Police Station, napag-alamang sakay ng motorsiklo si Idanan at pauwi na sa kanilang tahanan nang pagbabarilin ng dalawang suspek na lulan rin ng motorsiklo.
Nagtamo ng mga tama ang biktima sa kanang bahagi ng likod nito.
Subalit sa kabila ng mga tinamong tama, nagawa pang makahingi ng tulong ng biktima sa 1st Provincial Mobile Force Company sa Sabloyon Detachment, nasa 200 metro ang layo sa pinangyarihan ng pamamaril.
Samantala, nasa stable na ring kondisyon si Idanan habang patuloy na ginagamot sa mga tinamong sugat sa ospital sa bayan ng Virac.