-- Advertisements --

DAVAO CITY – Patong-patong na kaso ang haharapin ng isang lasing na NUP Doctor na bumaril-patay sa isang Grade 9 student noong madaling araw ng Sabado sa Tavera, Davao City.

Habang inaasahan naman na babaguhin ang oras sa pagpapatupad ng liqour ban sa lungsod ng Davao.

Imbes na ala 1 ng madaling araw, gagawin na itong alas 12 ng hating gabi kung saan kailangan ng magpatupad ng closure ang mga bar dito sa Davao.

Ito ang kinumpirma ni Davao City Police Office Director Colonel Alberto Lupaz, kasabay ng nangyaring shooting incident sa Tavera.

Dagdag pa ng opisyal na kailangang maging istrikto ang management ng Bar na pagbawalan ang pagdala ng firearms sa kanilang customer at kung kinakailangan kapkapan ang customer para sa kaligtasan ng lahat.

Aasahan din na madadagdagan pa ang police visibility upang mapigilan ang kaparehong insidente.

Kung maalala, patay ang isang Grade 9 student na 19 anyos na si Amierkhan Pulanon Mangacop matapos itong mabaril ng isang NUP doctor ng PROXI.

Kasong kriminal at kasong administratibo ang haharapin ng suspek na si Marvin Rey Andrew Pepino, isang NUP Doctor, kung saan posible itong matanggal sa serbisyo.

Nilinaw din ni Col. Lupaz na walang special treatment kay Pepino na nasa kustodiya na ngayon ng kapulisan habang patuloy pa rin ang kanilang ginagawang imbestigasyon.