Patuloy na dumarami ang mga panawagang isulong ng gobyerno ng Pilipinas ang tinatawag na multilateral approach para maresolba ang tension sa West Philippine Sea.
Ito ang patuloy na kinokontra ng China at iginiit ang bilateral approach.
Una rito, nanawagan sa national government ang isang local chief executive mula sa Palawan na muling isulong ang “multilaretal” approach sa paghahanap ng permanenteng solusyon upang makamit ang kapayapaan sa pinagtatalunang karagatan na kung saan kabahagi nito ang West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Rizal Mayor Norman Ong na panahon na upang muling isulong ng Pilipinas sa multilateral level para kumbinsihin ang mga claimant countries sa iba’t-ibang isla na mag-usap-usap upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran sa lugar.
Aniya, ang kanilang mga mangingisda sa Palawan ang pinaka apektado sa nangyayaring kaguluhan sa WPS dahil sa pananakot at harassment na ginagawa ng China.
Kaya umaasa ito na sa ilalim ng Marcos administration, magkakaroon na rin ng breakthrough.
Kabilang sa nagbigay rito ng suporta si World Wide Fund (WWF)-Philippines former executive director at vice president na si Romeo Trono na nagsabing hindi lamang para sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon ang multilateral approach, kundi pati na rin sa pangangalaga ng kalikasan at biodiversity conservation.
Samantala, sinabi rin Philippine Climate Change Commission (CCC) Vice Chairman at Commissioner Robert Borje para sa ganap na pagpapaunlad ng blue economy bilang bahagi ng “overall approach” ng gobyerno laban sa masamang epekto ng climate change.
Inihayag naman ni Undersecretary Rosemarie Edillon mula sa National Development Policy and Planning sa National Economic and Development Authority (NEDA) na kasama sa updated Philippine Development Plan (PDP) ang suporta sa industriya ng pangingisda at pagpapaunlad ng Blue Economy.