Ipinagbabawal na simula ngayong araw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na sisilong sa ilalim ng footbridge, flyover o Metro Rail Transit (MRT) station kapag umuulan.
Ang mga mahuhuling lalabag sa batas na ipinairal ay mapaparusahan ng P1,000.
Inanunsyo ni MMDA Acting Chairman Don Artes ang bagong patakaran dahil maraming lugar sa bansa ang tinatamaan ng walang tigil na pag-ulan dahil sa iba’t ibang bagyo na pumapasok sa bansa at epekto ng enhanced southwest monsoon o habagat.
Nauna nang iginiit ng MMDA na ang paghinto sa tabing kalsada ay delikado kapwa para sa mga motorista at iba pang sasakyan dahil maaari itong magdulot ng aksidente o pagsisikip ng trapiko.
Ani Artes, matagal nang may umiiral na batas laban sa obstruction at maaari itong ipatupad ng ahensiya kahit anong oras o araw.
Gayunman, nilinaw ng MMDA na ang mga rider na humihinto sa pagsusuot ng rain gears ay hindi mapapatawan ng kaukulang multa.