Pinayuhan ng isang health expert ang pamahalaan na huwag magpakampante kahit bahagyang bumaba ang bilang ng mga nagpositibo ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) kahapon.
Mula sa 209 kasing nagpositibo noong Sabado ay bumaba ito sa 172 kahapon.
Ayon kay University of the Philippines (UP) Executive Vice President Teodoro Herbosa, gaya ng bansang South Korea at sa Hong Kong, nagkaroon ng “rebound” o biglang pagtaas ng kaso ng naturang virus kahit ang akala nila ay na-control na ang pagkalat ng virus.
Ayon kay Herbosa, kapwa raw eksperto at magaling ang dalawang bansa sa ginawang pagtugon para ma-control ang pagkalat ng sakit pero nagkaroon sila ng “rebound.”
Dahil dito, binigyang diin ng health expert na dapat ay maingat ang pamahalaan sa gagawing desisyon kung babawiin o palalawigin pa ang enhanced community quarantine.
Panukala naman niyang kahit tanggalin ang lockdown pero puwede naman daw siguro itong ipatupad sa mga lugar na mataas pa rin ang kaso ng COVID-19.
Sa ngayon, aabot na sa 6,259 ang nag-positibo sa virus, 572 ang mga naka-recover at 409 ang namatay.