Maging ang mga health experts ay hindi rin kumbinsido sa muling pagbabalik ng pagsusuot ng face shields sa mga public places.
Ayon kay Dr. Edsel Salvaña, member of the Department of Health’s Technical Advisory Group, sa ngayon at hindi pa raw kinakailangan ang pagsusuot na naman ng face shields.
Sinabi ng doktor na sa halip na pagtuunan ang isyu sa pagsusuot ng face shield ay mas maiging patuloy na sundin pa rin ng publiko ang pagsunod sa health protocols.
Aniya, sa ngayon kasi ay mababa pa ang bilang ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Pero sa sandali raw na tumaas o makapasok na sa bansa ang bagong variant ng COVID-19 o ang Omicron variant ay mas maiging magsuot na ng face shield para sa karagdagang proteksiyon.
Ginagamit pa rin naman umano sa ngayon ang face shields sa mga areas na mataas ang risk of infection.
Kung maalala, halos dalawang linggo na ang nakalilipas nang ipag-utos ng pamahalaan na huwag nang gumamit ng face shields ang mga kababayan nating nasa COVID-19 Alert Level 3 at pababa.