-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Tumaas ng P50 ang terminal fee na babayaran ng mga non-Aklanon tourist na papasok sa Isla ng Boracay.

Ayon kay jetty port administrator Esel Flores, mula sa dating P100 ay magiging P150 na ang babayaran ng mga bisita epektibo ngayong araw, Setyembre 23, 2022.

Exempted sa nasabing bayarin ang mga residente ng Aklan, hindi residente ngunit may lahing Akeanon, may hawak ng valid terminal pass at mga batang may edad lima pababa.

Ani Flores, noong 2020 pa naaprubahan ang ordinansa sa Sangguniang Panlalawigan ukol dito, subalit ipinagpaliban ni dating Aklan governor Joeben Miraflores dahil sa pandemya.

Muli itong inihain ngayong taon, kung saan nakalagay sa General Ordinance No. 2022-021, series of 2022, na ang terminal fee rate na P150 ay ipapatupad sa lahat ng mga non-Aklanon tourist na may edad anim pataas.

Napapanahon na rin umano ang terminal fee increase dahil halos sampung taon na ang nakaraan nang huling magpataas nito na makakatulong sa muling pagbangon ng ekonomiya ng probinsya sa pamamagitan ng industriya ng turismo.