-- Advertisements --

Muling pinagtibay ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang desisyon nitong suspendehin ang mga palabas sa telebisyon ng SMNI na “Gikan sa Masa, Para sa Masa” at “Laban Kasama ang Bayan” at ibasura ang mga Motions for Reconsideration (MR) ng naturang network.

Ang unang pasya ng MTRCB na suspendihin ang dalawang programa ay bunsod ng mga reklamo na natanggap ng Ahensiya hinggil sa alegasyong paggamit ng mga death threat at masasamang salita ng isang host sa “Gikan sa Masa, Para sa Masa” noong ika-10 ng Oktubre 2023.

Binalaan din ng MTRCB ang sa SMNI na anumang katulad na paglabag ay mabibigyan ng mas mabigat na parusa, bilang pagtalima sa dedikasyon ng Board sa patas at makatarungang pagdinig.

Mahigit isang buwan matapos ibasura ng MTRCB ang kaso, nakatanggap muli ang ahensiya ng mga reklamo laban sa mga nasabing mga palabas.

Noong ika-13 ng Disyembre 2023, matapos ang masusing pagsusuri sa kaso at ng mga position papers na isinabmit ng mga respondents, nagpasya ang MTRCB na ipatupad ang preventive suspension na labing-apat (14) na araw para sa parehong programa.

Ang pasyang ito ay kasunod sa naunang babala ng MTRCB at naglingkod bilang proaktib na hakbang na layuning matugunan ang mga alalahanin at tiyakin ang pagsunod sa itinakdang pamantayan ng P.D. No. 1986.

Matapos ang masusing pagsusuri ng mga argumento at ng position papers mula sa mga respondents ay napag-alaman na ang dalawang programa ay lumabag sa Presidential Decree No. 1986 at ang Implementing Rules and Regulations nito.

Batid ng Board na ang mga katwiran ng mga respondents ay hindi kapani-paniwala at hindi kumbinsing. Dahil diyan, pinalawig ng MTRCB ang suspensiyon sa dalawampu’t-walong (28) araw, mula sa orihinal na labing-apat (14) na araw na preventive suspension.

Noong ika-11 ng Enero 2024, nagsumite ang mga respondents ng mga MR. Matapos ang maingat na pagsusuri ng mga isinumiteng mga mosyon, ibinasura ng MTRCB ang mga MR sa dahilang inulit lamang nila ang mga nauna nilang argumento.