-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Konsulada ng Pilipinas sa Mozambique na nakapagtala na ng kauna-unahang Pilipino na nagpositibo sa coronavirus disease sa bansa.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Legazpi News Team kay Philippine Honorary Consul to Mozambique Donald Tulcidas, nabatid na nagtatrabaho ito sa Italian petrol company sa hilagang bahagi ng African country partikular na sa Pemba province.

Aniya, dalawang beses na nagpositibo sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) testing ang naturang Pinoy subalit asymptomatic naman umano.

Nakausap na rin ni Tulcidas ang OFW na naghayag na nasa mabuti itong kalagayan habang binabantayan ng mga doktor ang kondisyon nito.

Naka-isolate na ang OFW sa isang special condo unit na inihanda ng mismong kompanya upang matiyak na maibibigay ang “support care” na kinakailangan.

Sa ngayon, nasa 160 na ang kumpirmadong nagpositibo sa COVID-19 sa Mozambique kung saan 46 ang nakarecover at walang naitalang nasawi sa sakit.

Nasa Level 3 status ang bansa mula Mayo hanggang Hunyo 1, na nangangahulugan ng mas mahigpit na pagtupad sa health safety standards kagaya ng pagsusuot ng face masks, social distancing at iba pa.