CENTRAL MINDANAO-Temporaryong Isasara sa publiko ang Mount Apo sa probinsya ng Cotabato sa buwan ng Mayo.

Ito ay upang maiwasan ang posibleng sunog dahil sa epekto ng matinding tag-init sa North Cotabato.

Desisyon ito ng mga tourism officers na mula sa Bansalan, Davao del Sur, Digos City at Kidapawan City, Protected Area Management Board at Department of Environment and Natural Resources o DENR na pansamantalang isara ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas.

Nababahala din ang DENR na muling magkasunog sa lugar gaya nang nangyari noong taong 2016.

Ang hakbang ay tugon sa mataas ang banta ng forest fire dahil sa matinding tagtuyot.

Ayon sa mga opisyal ng DENR-Cotabato na delikado ang Mt. Apo kung walang alituntunin sa pag-akyat ng mga hikers o trekkers.

Bukas naman ang bundok apo sa inaasahang dagsa ng mga turista ngayong darating na Semana Santa.

Dagdag ni Kidapawan City Tourism Officer Joy Recemilla na lilimitahan ang pag-akyat sa Mount Apo at magpapakalat sila ng mga kawani na magbabantay sa mga climbers.