LA UNION – Dead on arrival sa pagamutan ang isang motorcycle rider habang kritikal ang kondisyon ng backrider nito matapos sumalpok ang sinasakyan nilang motorsiklo sa hulihan ng delivery truck sa Brgy. Pagdalagan Sur sa bayan ng Bauang, La Union kagabi.

Kinilala ng Bauang police ang namatay na si Noel Azares, 25, habang ang kritikal ay si Ronald Bolante, 25, kapwa residente ng Quezon City.

Base sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo La Union mula Bauang police, kapwa patungo ng timog na direksyon ang motorsiklo kung saan nakasunod ito sa delivery truck.

Nagmaniobra umano ang delivery truck upang magpa-gas nang mabangga ng motorsiklo ang likuran nito.

Dahil sa insidente nagtamo ng malubhang sugat ang mga biktima at kaagad isinugod sa Ilocos Training Regional & Medical Center sa siyudad ng San Fernando para magamot ngunit sinawing palad ang driver.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pananagutan ng respondent driver sa insidente.