-- Advertisements --

Aapela ang ilang mga petitioners kontra sa Anti-Terror Act (ATA) kasunod ng naging pasya ng Korte Suprema na pagtibayin ang naturang batas habang ideklarang unconstituional naman ang ilan sa mga probisyon nito.

Ayon kay dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares, maghahain sila ng motion for reconsideration sa ruling ng Supreme Court sa mga probisyon na nagpapalawig sa period of detention, sa kapangyarihang hawak ng Anti-Terrorism Council, at sa incommunicado house arrest.

Sa kabila kasi nang desisyon ng Korte Suprema na ibasura ang Section 4 at Paragraph 2 ng Section 25 ng ATA, sinabi ni Colmenares na “very devastating” pa rin sa human rights sa bansa ang pagkakaroon ng nasabing batas mismo.

Naniniwala naman si Atty. Howard Calleja na hindi lamang dalawang bahagi ng batas ang dapat na idineklarang unconstitutional kundi mas marami pang probisyon dapat.

Ang mga ito ay kanilang hahamunin, pero sa ngayon mas mainam aniya na hintayin lamang din muna nila ang main ruling ng SC pati na rin ang iba pang mga opinyon ukol dito.