Sakali man na mayroong magmosyon para ipabakante ang speakership post sa Oktubre 14, sinabi ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na kanyang haharangin ito.
Pahayag ito ni Defensor matapos na tinanggihan ng mga kapwa kongresista ang alok ni Speaker Alan Peter Cayetano na resignation para sa speakership post.
Sinabi ni Defensor na dapat manatili sa kanyang posisyon si Cayetano dahil na rin sa track record nito pati na rin sa kasalukuyang sitwasyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Malinaw naman din aniya na mayroong suporta si Cayetano sa mababang kapulunga ng Kongreso dahil noong inalok nito ang kanyang resignation ay 184 kongresista ang tumutol, isa ang pumabor at siyam ang nag-abstain.
Sakali mang nais aniya ng kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na ipatanggal si Cayetano sa Oktubre 14, sinabi ni Defensor na ang mga ito ang dapat na mag-mosyon.
Pero asahan na rin aniya ang kanyang pagharang dito, na normal lang din naman dahil malaya pa rin silang magpahayag ng kanilang posisyon base na rin sa House rules.
Base sa House rules, ang speakership post ay maari lamang mabakante kung mayorya sa mga kongresista ay ganito ang nais base sa isasagawang nominal boting.